Friday, January 15, 2010

Tanenglian pinakasuhan ng DOJ

Inerekomenda na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kidnapping, serious illegal detention, 8 counts ng kasong child abuse, at anti-trafficking law laban sa negosyanteng si Mariano Tanenglian, asawa nito, at dalawang anak sa Quezon City Regional Trial Court.

Nag-ugat ang kaso nang sampahan ng katulong na si Mary Jane Sollano ang kanyang mga amo ng pangmamaltrato, illegal detention, slavery, at frustrated murder.

Ayon sa 17-pahinang resolusyon ng panel na inaprubahan ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuno, napatunayan na 13-anyos pa lamang si Sollano nang gawing katulong ng mga Tanenglian. Sapat ang ebidensya tungkol sa salaysay ng biktima na siya ay inaabuso ng pamilya, kabilang dito ang pananakit, hindi pagpapakain, maging ang insidenteng kinunan siya ng hubo’t hubad bilang parusa sa pagn-uumit umano ng pagkain mula sa refrigerator.

Kinatigan ng DOJ ang salysay ng ama ng biktima na mula ng 2004 ay hindi na niya nakausap o nakita man lang ang anak. Nalaman niya lamang ang kalagayan ng anak matapos magsumbong ang isa pang katulong ng mga Tanenglian ukol sa pangmamamltratong ginagawa sa kanila.

Source:
Police Files Tonite (Vol. 6 No. 152) Published January 15, 2010