Tuesday, September 8, 2009

Tsinoy kinasuhan ng 1 pang maid (Remate)

Isa pang inabusong katulong, si Aljane Bacanto, ang pormal na nagsampa ng kasong maltreatment, serious illegal detention, slavery, at frustrated homicide sa Department of Justice laban sa kanyang dating among si Mariano Tanenglian, asawa nitong is Aleta at mga anak na sina Maximilian at Fayette, at ilan pang hindi pinangalanang kasama.

Sa kanyang reklamo, sinabi nito na noong una lamang naging maayos ang pakikitungo ng mga amo sa kanya ngunit naglaon ay nakaranas na ito ng pagmamalupit at hindi makataong pagtrato.

Kabilang sa pagmamalupit na ginawa umano ng dating amo ay ikinukulong sa kwarto, hindi pinapakain,at binubugbog ng mag-ina.

Nauna nang naghain ng reklamo sa DOJ si Mary Jane Sollano, 18, tubong Zamboanga del Sur, isa ring kasambahay ng mga Tanenglian kaugnay sa pagmamaltratong naranasan rin nito mula Hulyo 9, 2005 hanggang Agosto 9, 2009. Tulad rin ni Bacanto, iba't-ibang uri rin ng pagmamaltrato ang naranasan niya tulad ng pag-untog sa pader, pagpapatrabaho ng nakahubad, pagkuha ng larawan nito ng walang saplot, at pagkadena sa dalawang kamay at leeg.


Source:
Pimentel, Ann, Remate (Taon 18 Isyu 117 p. 9)Published September 9, 2009