Friday, August 28, 2009

Utol ni Lucio Tan kinasuhan ng maid (Bandera)

Pormal nang sinampahan ng kasong kasong maltreatment, serious illegal detention, slavery, at frustrated homicide sa Department of Justice (DOJ) ang kapatid ng business tycoon na si Lucio Tan dahil sa umano’y di-makataong turing nito sa kanyanga katulong.

Pinanumpahan ng biktimang si Mary Jane Sollano sa harap ni State Prosecutor Edna Valenzuela ang kanyang salaysay ukol sa pangmamaltratong dinana sa kamay nina Mariano Tanenglian, asawa nitong si Aleta at mga anak nitong sina Maximillian at Fayette.

Ayon sa kanyang abogadong si Atty. Al Parreno, limang taong minaltrato, pinaghuhubad, at hindi pinapapakin ng tama ang biktima na nagsimulang maglingkod bilang katulong sa edad na 13 taong gulang.

Sa panahong ito, hindi siya pinalalabas ng bahay, pinapagamit ng cellphone o telepono, pinanonood ng TV, maging makipag-usap sa kapwa niya katulong. Hindi rin pinapakain si Sollano dahilan upang magnakaw siya ng pagkain ng aso. Minsang nahuli ito ay binuhusan umano siya ng mainit ng tubig sa kamay , tinadyakan sa katawan, at kinadena ang kamay at leeg.

Nasagip ang biktima nito lang Agosto 10 sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWS), Commission on Human Rights (CHR), at La Loma Police.


Source:
Balute, Marvin, Bandera (Tomo 19 Blg. 348 p. 2) Published August 28, 2009